
Isinumite na ng Commission on Audit (COA) sa Independent Commission for Infrastructure (ICI) ang apat na fraud audit report kaugnay ng palpak na flood control project na ipinatupad ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa Bulacan.
Una nang nasita ang mga proyekto, na nasa ilalim ng DPWH-Bulacan 1st District Engineering Office (DEO), dahil sa hindi tugmang project sites, pre-existing ng mga istruktura sa mga aprubadong lokasyon, at mga nawawalang dokumento.
Ang mga kontratista na nasa likod ng mga ito ay ang SYMS Construction na pag-aari ni Sally Santos at Topnotch Catalysts Builders Inc.
Ang halaga ng mga proyekto ng SYMS sa bahagi ng Angat River sa Pulilan Bulacan ay nasa P92.88 million samantalang ang proyekto ng Topnotch sa Plaridel ay nasa P69.4 million at tig-P98 milllion para sa dalawang proyekto sa Bocaue.
Batay sa COA, ang apat na proyekto ay ipinatupad sa mga lugar na iba sa nakasaad sa kontrata o may mga istruktura nang nakatayo bago pa man natanggap ng mga kontraktor ang kanilang notices to proceed o bago pa man simulan ang kontrata.
Kabilang naman sa mga tinukoy na may pananagutan ay sina:
• Dating Bulacan District Engineer Henry Alcantara;
• Dating Assistant District Engineer Brice Hernandez;
• SYMS Construction Trading owner Sally Santos;
• Topnotch Catalyst President Eumir Villanueva, at iba pang opisyal.
Ang mga reklamo na maaari nilang kaharapin ay: paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act, Malversation, Falsification of Documents, Paglabag sa Government Procurement Reform Act at iba pa.









