COA, kinwestisyon ang 25 milyong pisong research fund ng Office of the Vice President para sa COVID-19 response

Kinwestiyon ng Commission on Audit (COA) ang Office of the Vice President (OVP) sa paggamit nito ng Survey, Research, Exploration and Development (SRED) fund para sa mga COVID-19 related projects noong 2021.

Batay sa COA report na inilathala sa kanilang website noong July 15, sinabi nito na ang 25 million pesos na budget ay hindi nagamit sa itinakdang layunin nito.

Layon sana ng SRED fund na tingnan ang epekto at kung matagumpay ang Angat Buhay Program ng OVP upang tugunan ang kahirapan sa mga komunidad na naging benepisyaryo ng programa.


Paliwanag naman ng OVP, hindi nila nakamit ng service provider ang naging requirement sa naturang pagsisiyasat ng programa.

Dagdag pa nito, ang aktuwal na paggamit sa naturang pondo ay nakamit ang mas kapaki-pakinabang na benepisyo para sa mga taong labis na naapektuhan noong pandemya.

Matatandaang tinapos ni dating Vice President Leni Robredo ang kaniyang termino noong June 30 kung saan nakakuha ang kaniyang tanggapan ng ‘unqualified opinion’ mula sa COA sa apat na magkakasunod na taon mula 2018 hanggang 2021.

Ibinibigay ang ‘unqualified opinion’ sa tanggapan ng gobyerno na nagpakita ng maayos, malinaw at patas na financial report.

Mababatid na naupo bilang Chairperson ng COA si dating Solicitor General Jose Calida sa ilalim ng Marcos administration nitong July 4.

Facebook Comments