COA, nagsagawa na ng special audit sa COVID-19 vaccine procurement

Sinimulan na ng Commission on Audit (COA) ang ‘special audit’ para sa pagbili ng pamahalaan ng COVID-19 vaccines noong kasagsagan ng pandemya na idinaan sa isang non-disclosure agreement (NDA).

Sa pagsalang ni COA Chairman Gamaliel Cordoba para sa kumpirmasyon ng Commission on Appointments (CA), naitanong ni Senator Risa Hontiveros kung ano na ang ginagawa ng COA para ipatupad ang constitutional duty nito na i-audit ang aktwal na ginastos na public funds partikular na sa mga binili noong COVID-19 vaccines.

Tinukoy ni Hontiveros na P300 billion ang kabuuang halaga ng vaccine procurement ng nakaraang gobyerno pero dahil sa NDA ay hindi saklaw dito ang COA at hindi mabatid kung magkano ang halaga ng bawat dose ng COVID-19 vaccine.


Ayon kay Cordoba, nagpa-special audit na ang Asian Development Bank (ADB) at World Bank (WB) na siyang nagpautang sa bansa para makabili ng bakuna.

Nauna na ring nakipag-ugnayan ang COA sa Department of Health (DOH) para makuha ang mga kinakailangang dokumento, kontrata at loans sa kanilang special audit na gagawin.

Paliwanag ni Cordoba, dadaan muna sa preliminary step ang auditing para sa vaccine procurement ng pamahalaan at kapag hindi naibigay ang mga hinihinging dokumento ay saka sila magpapadala ng demand letter para maipa-subpoena ang mga kinakailangang dokumento na nakapaloob sa NDA.

Nangako naman si Cordoba sa CA na hindi papayag ang COA na hindi ma-o-audit ang naturang gastos ng gobyerno.

Facebook Comments