Pinaiimbestigahan ng Commission on Audit (COA) ang kwestyunableng pagbili ng Commission on Human Rights (CHR) ng airline tickets para sa biyahe ng mga opisyal at mga tauhan nito sa nagdaang tatlong taon.
Batay sa 2019 annual audit report para sa CHR na inilabas nitong Huwebes, sinabi ng COA na hindi naprotektahan ang “best interest” ng pamahalaan dahil sa pagbili ng CHR ng airline tickets mula sa isang ‘pinaborang travel agent.’
Ayon sa COA, gumastos ang CHR ng nasa ₱6,891,436.21 para sa airline tickets sa nakalipas na tatlong taon mula sa Konail Travel and Tours pero hindi ito sakop ng isang valid contract.
Nilabag ng CHR ang probisyon ng 2016 Revised Implementing Rules and Regulation ng Republic Act 9814 o Government Procurement Law.
Napansin din ng COA na ang mga biniling plane tickets para sa 165 biyahe ay ginawa na hindi naaayon sa Annual Procurement Plan ng CHR at itinakdang guidelines para sa Small Value Procurement sa ilalim ng RA 9184.
Nanindigan ang CHR na karamihan sa mga isinagawa nitong biyahe ay “urgent in nature” at ang Konai ang natatanging travel agency na nagbibigay ng credit para sa kanilang airlines tickets.