COA, pinapakilos sa mga foreign loans, grants at bonds para sa COVID-19 response

Pinapakilos ni ACT-CIS Partylist Rep. Jocelyn Tulfo ang Commission on Audit (COA) na magsagawa na ng special audit sa lahat ng ginugol sa ilalim ng Bayanihan Law, gayundin sa foreign loans, grants at bonds para sa COVID-19 response ng pamahalaan.

Giit ni Tulfo, kailangang makatiyak na ang mga pondong ito ay nagagastos ng tama.

Batay aniya sa Department of Finance (DOF), aabot sa $7.76 billion na foreign borrowings at financial grants ang na-secure ng bansa na gagamitin para sa pagtugon sa COVID-19 pandemic kung saan nasa $5.11 billion na ang nagamit ng gobyerno.


Tinukoy ng kongresista na malayo ang halagang ito sa pahayag ng Palasyo na $5.8 billion financial support mula sa mga foreign lenders na nakuha ng bansa na gagamitin laban sa COVID-19 at pagbangon ng ekonomiya.

Masyado aniyang malaki ang pagkakaiba ng mga halagang tinukoy ng DOF at ng Malakanyang kaya importanteng isailalim na ito sa audit.

Hiniling ng kongresista na simulan na ng COA ang auditing dahil magiging abala na naman ang lahat para sa pagdinig ng 2021 national budget, gayundin ay nakaantabay ang pag-apruba sa nakabinbing Bayanihan Act 2 sa Kamara.

Dagdag pa ng mambabatas, mahalagang maging transparent at karapatan din naman ng publiko na malaman ang detalye kung saan napupunta ang inutang na pondo mula sa mga dayuhan.

Facebook Comments