COA, pinuna ang PhilHealth sa hindi pagsusumite ng mga dokumento

Aminado ang Commission on Audit (COA) na nahihirapan silang silipin ang records ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) dahil sa kawalan ng inisyatibong magpasa sa tamang oras ng kinakailangang dokumento.

Sa pagdinig ng Senado, binanggit ni Senate Majority Floor Leader Juan Miguel Zubiri ang ilang ulat na ang National Bureau of Investigation (NBI) ay nahihirapang ma-access ang PhilHealth records para sa isinasagawang imbestigasyon ng executive branch.

Ayon kay COA Director Cleotilde Tuazon, matagal na itong problema ng kawanihan sa PhilHealth.


Aniya, tumatanggi ang PhilHealth na bigyan sila ng dokumento at hindi sila nabibigyan ng full access sa sistema.

Sabi pa ni Tuazon na huli na nang magpasa ang PhilHealth ng kanilang mga dokumento kung saan nasa proseso na sila sa paghahanda ng Observation Memorandum at pagbuo ng report.

Batay sa COA report nitong 2018, hindi nagsusumite ang PhilHealth ng mga dokumento para pagtibayin ang mga kontratang pinasukan nito.

Binigyan pa ng COA ang PhilHealth ng dagdag na panahon subalit bigo pa rin ang state health insurer na magpasa ng mga dokumento.

Kumbinsido si Senator Zubiri na mayroong pinoprotektahan ang ‘mafia’ na ayaw nilang mailabas.

Iginiit naman ni PhilHealth Senior Vice President Renato Limsiaco Jr., na binigyan na ang COA ng sapat na access sa mga records.

Facebook Comments