Coast Guard District North Western Luzon, nakaalerto na sa posibleng banta ng Bagyong Egay

Nakaalerto na ang Coast Guard District North Western Luzon sa posibleng banta ng Super Typhoon Egay sa rehiyon.

Katuwang ang mga Local Government Unit sa lugar, nakahanda na ang mga deployable response groups (DRGs) sa pagsagip o paglikas ng mga residenteng maaapektuhan ng sama ng panahon.

Tuluy-tuloy rin ang pagbabantay ng Philippine Coast Guard (PCG) sa mga pantalan para masiguro ang kaligtasan at seguridad ng mga mangingisda, tripulante, at pasahero.


Tiniyak rin ng PCG ang agarang pagresponde sa oras na magkaroon ng aksidente sa karagatan dulot ng malakas na hangin at malalaking alon.

Samantala, sinuspinde naman ng Philippine Ports Authority (PPA) ang byahe ng Lite Shipping Lines na papuntang Oslob, Cebu ngayong araw, dahil pa rin sa nararanasang sama ng panahon.

Facebook Comments