
Nakaalis na ang Barko ng Republika ng Pilipinas (BRP) Teresa Magbanua, ang vessel ng Philippine Coast Guard (PCG) lulan ang mga doktor nurses at iba pang medical personnel na tutulong sa mga naapektuhang komunidad ng 6.9 na lindol na tumama sa Cebu City.
Naka-set na ring paalisin ang tatlong 44 meter vessels ng Mindanao Coast Guard para tulungan ang parehong vessel ng Central Visayas na nauna nang naka-deploy sa lugar.
Samantala, papunta na rin ang walong Coast guard K9 units para suportahan ang on-going search, rescue and retrieval operations sa Cebu City.
Kaninang umaga, nauna nang dumating ang search and rescue team mula Metro Manila at dadagdag pa ang SAR mula Cagayan De Oro, Misamis Oriental at Ormoc City, Leyte.
Inutos na rin ni PCG Commandant Admiral Ronnie Gil Gavan na maglagay ng portable water desalinators para supplyan ang mga hospital at evacuation centers na nasira ang mga water system dahil sa lindol.
Tiniyak naman ng PCG na mabilis na marerespondehan ang mga naapektuhang komunidad.









