Iginiit ni Department of Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin na walang awtoridad ang Philippine Coast Guard (PCG) na payagan ang Chinese survey vessel, Jia Geng na manatili sa karagatan ng Pilipinas.
Ang barko ng China ay pinagbigyan lamang ng DFA na manatili para sa “emergency shelter” kasunod na rin ng pakiusap ng Chinese Embassy sa Manila.
Ang paglilinaw ni Locsin ay kasunod ng mga ulat na dumaong ang Jia Geng sa Catanduanes sa loob ng tatlong araw – mula January 29 hanggang February 1.
Sa kanyang tweet, sinabi ni Locsin na walang binigay permit ang ahensya sa Chinese vessel, pero dahil sa humanitarian considerations ay pinayagan nilang manatili ang mga ito para may makublihan bunsod ng masamang panahon.
“DFA never gave permit to Jia Geng. But for humanitarian considerations, we ok’d Chinese embassy request for shelter against bad weather. The Coast Guard has zero authority to allow it. Only DFA. Not to stay. But seek shelter. Period. P***** I** sabi ni Locsin sa Twitter.
Sinabi ni PCG Spokesperson Commodore Armand Balilo, ang tatlong araw na pananatili ng Chinese vessel ay isang “simple call for help” para maiwasan ang disgrasya sa karagatan.
Aminado si Balilo na ang ipinadalang PCG team para inspeksyunin ang Jia Geng ay pinagbawalang makapasok sa barko dahil sa COVID-19 protocols.
Ang state-owned vessel ay pumasok sa karagatan ng Pilipinas noong January 29 na walang pahintulot sa pamahalaan.
Ang Chinese Vessel ay umalis sa Cabugao Bay sa Bato, Catanduanes noong February 1.
Sa pahayag naman ng Chinese Embassy sa Manila, iginiit nila na sa ilalim ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS), International Convention for the Safety of Life at Sea (SOLAS) at International Customary Law, bawat coastal state ay inoobligang magbigay ng humanitarian assistance sa mga humihingi ng tulong sa karagatan.