COC at iba pang dokumento ni Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo, pinag-aaralan na ng Senado

Sinusuri na ng Senado ang Certificate of Candidacy (COC) at ang Statement of Contributions and Expenditures (SOCE) ni Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo.

Naisumite na ng Commission on Elections (COMELEC) sa Senate Committee on Women, Children and Family Relations ang mga nabanggit na dokumento alinsunod na rin sa request ni Committee Chairperson Risa Hontiveros.

Nakadeklara sa COC ni Guo na siya ay isang Filipino citizen at hindi permanent resident o immigrant mula sa ibang bansa.


Nakasaad na siya ay ipinanganak sa Tarlac, Tarlac, 35 taon at dalawang buwang naninirahan sa bansa at sa Bamban naman ay nanirahan ng 18 taon at dalawang buwan.

Sa SOCE naman ng alkalde ay nakadeklara na gumastos siya ng P134,693 sa kampanya noong halalan para sa pagka-mayor at walang deklaradong kontribusyon na in-kind o cash at isa rin siyang independent candidate.

Nauna rito ay walang tiwala si Hontiveros sa pagkatao ni Guo na iniuugnay sa na-raid na POGO sa Tarlac na hinihinalang sangkot sa surveillance at hacking activities sa mga government website.

Facebook Comments