Inihayag ng Commission on Elections (COMELEC) na ipoproseso pa rin ng kanilang law department ang certificate of candidacy (COC) ni Kingdom of Jesus Christ (KOJC) Founder Pastor Apollo Quiboloy.
Ito ay kahit pa idineklara ng mga namumuno sa political party na Workers’ and Peasants’ Party (WPP) na hindi nila pinirmahan ang Certificate of Nomination and Acceptance (CONA) ni Pastor Quiboloy para tumakbo sa pagkasenador.
Ayon kay COMELEC Spokesperson Atty. John Rex Laudiangco, lahat ng ipinasang COC at CONA ng mga tatakbo sa pagkasenador ay susuriin ng kanilang law department saka maglalabas ng desisyon.
Aniya, maaaring ideklarang independent candidate si Quiboloy kung hindi naman talaga napirmahan nang nabanggit na partido ang kaniyang CONA.
Pero dahil ang COC ay isang sinumpaang salaysay, posibleng makasuhan ng perjury kung mapapatunayan na mali at hindi totoo ang mga inilagay na detalye o pirma.
Muling iginiit ng COMELEC na sasalain pa ang mga COC ng mga aspirante sa pagkasenador at saka sila maglalabas ng opisyal na listahan ng mga kandidato.
Maaari namang maghain ng petisyon ang sinomang registered voters sa COMELEC para ipakansela, ipa-disqualify o kaya ay ipadeklarang nuisance candidate ang isang aspirante na nagpasa ng COC.