Coco Levy Trust Fund Bill, lusot na sa second reading ng Senado

Lusot na sa second reading ng Senado ang panukalang batas para sa pagbuo ng trust fund ng coconut farmers sa bansa sa pamamagitan ng pagbebenta ng assets na nabili gamit ang coco levy fund.

Sa ilalim ng Senate Bill No. 1396 o “Coconut Farmers and Industry Trust Fund Act,” ay inaatasan ang pamahalaan na ipagbili ang P75 bilyong coconut levy assets sa susunod na limang taon para makabuo ng trust fund para sa coconut farmers.

Kapag naisabatas, agad na ililipat ng Bureau of Treasury ang P10 billion sa trust fund; P10 billion sa second year; P15 billion, third year; P15 billion, fourth year; at P25 billion sa fifth year.


Ayon kay Sen. Cynthia Villar, Chairperson ng Committee on Agriculture, Food and Agrarian Reform at principal sponsor ng panukalang batas, mabibiyayaan nito ang may 3.5 million coconut farmers mula sa 68 coconut producing provinces na kabilang sa pinakamahirap na sektor sa bansa.

Kumpiyansa rin si Villar na agaran itong maisasabatas dahil natugunan na ang ‘concerns’ sa dating na-veto na bersyon ng panukalang batas.

Sa ilalim ng panukala, muling bubuuin ang Philippine Coconut Authority Board na kinabibilangan ng mga kalihim ng Department of Trade and Industry (DTI), Department of Budget and Management (DBM), Department of Finance (DOF), Department of Science and Technology (DOST) at PCA, at tatlong farmer-representatives mula sa Luzon, Visayas at Mindanao.

Facebook Comments