Coco Levy Trust Fund, isusumite sa lamesa ng Pangulo bago mag-Pasko

Planong iakyat ng Bicameral Conference Committee sa tanggapan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang reconciled version ng panukalang Coco Levy Trust Fund Bill bago mag-Pasko.

Ayon kay House Committee on Agriculture and Food Chairman Mark Enverga, nakikipag-ugnayan na si Speaker Lord Allan Velasco sa Executive Department para maisumite na sa lalong madaling panahon sa lamesa ng Pangulo ang pinal na bersyon ng panukala.

Sa pagkakataong ito ay umaasa ang mga mambabatas na hindi na ma-vi-veto ng Pangulo ang Coco Levy Trust Fund.


Mababatid na noong 2019 ay dalawang panukalang batas patungkol dito ang inaprubahan ng Kongreso pero na-veto ito ni Pangulong Duterte dahil tutol noon ang Palasyo na isama sa 15-member Philippine Coconut Authority (PCA) Board ang anim na private farmers at isang industry representative.

Iginiit noon ng Malakanyang na ang trust fund ay dapat na pinangangasiwaan ng government officials at napuna rin dito na masyadong malawak ang awtoridad ng PCA.

Tiniyak naman ni Enverga na ang mga isyung ito ay ikinonsidera na ng Kamara sa panibagong panukala.

Sa ilalim ng panukala, gagamitin na trust fund ang buwis na nakolekta mula sa coconut farmers noong administrasyon ni dating Pangulong Ferdinand Marcos na umabot na sa halos P100 billion upang maisaayos at ma-modernize ang coconut industry sa bansa.

Facebook Comments