Manila, Philippines – Muli na namang ikinabahala ng coconut farmers na baka hindi na naman maipapasa ng Senado ang panukalang Senate bill 1233 o mas kilala bilang Coconut Farmers and Industry Trust Fund Bill lalo pat nalalapit na ang recess ng Kongreso.
Ayon kay COCO Industry Reform Movement Inc., Executive Director Joey Faustino, ngayon pa lang nagbabalak na ang kanilang grupo sa ilalim ng kilos magniniyog na magtungo sa senado sa lunes para hilingin ang agarang pagpasa sa panukalang batas.
Sa Lunes kasi huhusgahan na ng mga senador kung ipapasa o hindi ang panukalang batas.
May mga inihain umanong amendments si Senador Ralph Recto na magtatanggal sa mga importanteng provisions sa panukala mula sa orihinal na proposal nito na inihain noong 16th congress may kinalaman sa representasyon ng mga COCO Farmers na dapat bumuo ng Trust Fund Committee.
Sa hakbang ng Senador, baka daw mawala ang kanilang karapatan sa pagdedesisyon sa paggamit ng COCO Levy Fund.
Sa ngayon aniya, higit 3.5 Milyong Coconut Farmers ang umaasa na mabibiyayaan ng 75 bilyong pisong Coco Levy Cash at bilyong piso pang assets.