Coconut Palace, sinisilip bilang permanenteng tahanan ng OVP

Nakikipag-usap na ang Office of the Vice President (OVP) sa Government Service Insurance System (GSIS) sa posibleng pagbili ng Coconut Palace.

Ito ang sagot ni Vice President Sara Duterte-Carpio sa tanong ng mga senador sa plano nitong makakuha ng permanenteng tahanan para sa OVP na gagamitin niya at ng mga susunod na bise presidente.

Sa ngayon aniya ay wala pang binibigay na halaga ang GSIS pero sa ilalim ng proposed 2023 budget ng OVP ay may nakalaang 10 milyong piso para sa bagong tanggapan nito.


Ayon kay Duterte-Carpio, gagamitin nila ito bilang downpayment sa ari-arian na kanilang mabibili at aapela na lamang ang karagdagang pondo sa mga susunod na taon upang makumpleto ang bayad.

Samantala, sinisilip din ng OVP ang iba pang properties maliban sa Coconut Palace.

Mababatid na ang Coconut Palace ang naging official residence ni dating Vice President Jejomar Binay habang pinili ni dating Vice President Leni Robredo ang magrenta ng mas murang Quezon City Reception House sa panahon ng kaniyang panunungkulan.

Ang Coconut Palace ay kinomisyon ni dating First Lady Imelda Marcos noong 1981 para sa pagbisita ni Pope John Paul II sa bansa ngunit tinanggihan ito ng Santo Papa dahil masyado itong magarbo habang siya ay nananatili sa Pilipinas.

Facebook Comments