COCOPEA, pinag-iingat ang Senado sa pagbubukas ng mga tertiary schools na pagmamay-ari ng mga dayuhan

Pinag-iingat ng samahan ng mga pribadong kolehiyo at unibersidad sa bansa ang pagbubukas sa mga dayuhan na mangasiwa at magmay-ari ng tertiary schools sa bansa.

Sa pagdinig sa Charter change ng Senate subcommittee on Constitutional Amendments, ibinabala ni Coordinating Council of Private Educational Associations of the Philippines (COCOPEA) Chairperson Fr. Albert Delvo ang posibleng pangmatagalan at komplikadong epekto nito sa mga susunod na henerasyon ng mga kabataang Pilipino.

Kailangan aniyang maging maingat dahil kapag pinayagan ang mga dayuhan na kumontrol, mamahala at magmay-ari ng mga higher education institutions ay maaari itong magdala ng panganib sa kultura, values, moralidad at ispritwal ng mga kabataan.


Punto pa ni Fr. Delvo, mukhang kuntento naman ang mga dayuhan sa kasalukuyang set-up na 60-40 arrangement sa foreign ownership sa bansa.

Suportado naman ng Philippine Association of Colleges and Universities (PACU) ang posisyon ng COCOPEA dahil naobserbahan nila na ang ilang amyenda sa economic provisions ay taliwas sa ibang probisyon ng Konstitusyon partikular sa usapin ng pagiging makabayan at nasyonalismo.

Facebook Comments