Code White Alert, itinaas ng DOH sa buong bansa bilang paghahanda sa Bagyong Wilma

Itinaas na ng Department of Health (DOH) ang Code White Alert sa buong bansa bilang paghahanda sa inaasahang epekto ng Bagyong Wilma sa Eastern Visayas at Dinagat Islands ngayong araw.

Ayon sa DOH, naka-standby na ang mga ospital at health facilities para sa inaasahang pagdami ng mga pasyente.

Sa ilalim ng Code White Alert, inihahanda na ang mga pangunahing gamot tulad ng doxycycline, mga gamot sa ubo at lagnat, pati na ang maintenance medicines.

Nakaposisyon na rin ang mga oxygen tank, mga hospital bed para sa mga tent facility, at nakaantabay ang Health Emergency Response Teams.

Inaasahang tatawirin ng Bagyong Wilma ang Visayas hanggang Linggo, lalabas sa Sulu Sea, at posibleng dumaan sa Northern Palawan pagsapit ng Lunes ng umaga.

Inaasahan ding lalabas ito ng Philippine Area of Responsibility (PAR) sa Martes ng umaga.

Tiniyak naman ng DOH na 24/7 ang monitoring ng kanilang Operations Center para sa mabilis na pagresponde at tuloy-tuloy na koordinasyon sa mga lokal na pamahalaan sa mga maaapektuhang lugar.

Facebook Comments