Tiniyak ni Vaccine Czar Carlito Galvez Jr. na ang cold storage facilities ng Pilipinas ay kayang tumanggap ng COVID-19 vaccines na nangangailangan ng freezing temperature.
Ang kasalukuyang imbentaryo ng Pilipinas sa COVID-19 vaccines at binubuo ng dalawang brands: ang Sinovac ng China at AstraZeneca ng United Kingdom, na nangangailangan lamang ng 2 hanggang 8 degrees Celsius na temperatura.
Ayon kay Galvez, pasok sa world standard ang mga cold storage facilities ng bansa.
Inihahanda na aniya ang mga ito sakaling dumating ang vaccines doses mula sa Moderna, Pfizer at Sputnik V.
Ang Sputnik V ng Gamaleya, Pfizer-BioNTech at Moderna COVID-19 vaccines ay darating sa pagitan ng Mayo hanggang Hunyo.
Nasa -18 degrees Celsius ang temperature requirement ng Sputnik V, -25 hanggang -15 degrees Celsius sa Moderna at -80 hanggang -60 degrees Celsius sa Pfizer vaccines.
Sinabi ni Galvez na pumasok ang Pilipinas sa isang end-to-end contract sa vaccine suppliers kung saan ang mga manufacturers ang magma-manage ng delivery, storage at delivery ng doses sa vaccination sites.
Ang Moderna at Pfizer ay may kasalukuyang kontrata sa pharmaceutical company na Zuellig habang ang Novavax ay nakipag-partner sa Unilab.
Ang PharmaServ Express ang official third-party partner ng Department of Health (DOH) para sa storage at delivery ng COVID-19 vaccines mula sa airport patungong cold-chain facility.