Kinumpirma ni Vaccine Czar Secretary Carlito Galvez na sapat ang cold temperature sa cold storage facilities ng UNILAB sa Laguna para sa mga bakuna kontra COVID-19.
Kasunod ito ng isinagawang inspeksyon nila ni Health Secretary Francisco Duque III sa gagamiting cold storage facilities para sa COVID vaccine sa Biñan.
Mula sa Laguna, umikot naman ang dalawang kalihim at nagsagawa ng inspeksyon sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM) at Zuellig Pharma sa Parañaque na isa rin sa gagamiting cold storage facilities para sa COVID-19 vaccines.
Kinumpirma rin ni Secretary Galvez na makikipagpulong siya mamayang gabi kina Senador Panfilo Lacson at Senador Ronald Bato Dela Rosa.
Ito ay para magpaliwanag sa kontrobersyal na isyu sa presyo ng Sinovac partikular ang sinasabing overpricing.
Sinabi ni Galvez na ipapaliwanag niya kung bakit mataas ang unang deklarasyon nila ng presyo ng Sinovac na umaabot sa P1,800, samantalang umaabot lamang ito sa mahigit sa P500 sa ibang bansa base rin sa pagbubunyag ni Lacson sa pagdinig sa Senado.