Bumagsak ang collection performance ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa 2020.
Ito ay bunsod pa rin ng epekto ng COVID-19 pandemic sa bansa kung saan hindi lamang ang DFA kundi maging ang ibang ahensya ay apektado ng pandemya sa kanilang revenue generation.
Sa budget presentation ng DFA, bumaba sa P865-M ang koleksyon ng ahensya sa taong 2020, malayo ito sa average collection na P2.934-B mula taong 2016 hanggang 2019.
Gayunpaman, kahit bagsak ang kita ng DFA ay napanatili nito ang kanilang posisyon na pampito sa highest collecting agencies.
Sa ilalim ng 2022 national budget ay humihirit ang DFA ng P21.051-B kung saan P20.906-B ang alokasyon para sa DFA Office of the Secretary at P145.132-M naman ang nakalaan para sa mga attached agencies.
Hahatiin naman sa dalawang tiers ang budget ng Department of Foreign Affairs-Office of Consular Affairs
(DFA-OSEC) at gagawing P20.052-B sa tier 1 at P854-M naman sa tier 2.
Pinakamalaking pinaglaanan ng budget ng DFA ang maintenance at iba pang operating expenses na nasa P11.305-B, sinundan ito ng personnel services na nasa P8.767-B, at capital outlay na nasa P808-M.