
Bahagi ng pagdiriwang ng ika-28 City Charter Anniversary ng Urdaneta City ang muling pagsasagawa ng Color Fun Run/Walk Season 4 sa darating na Marso 20.
Ayon sa mga tagapag-organisa, magsisimula ang assembly at last-minute registration sa ganap na alas-4:00 ng hapon, habang ang gunstart ay itinakda sa alas-5:30 ng hapon. Inaasahang lalahukan ito ng iba’t ibang sektor ng komunidad bilang bahagi ng selebrasyon at pagsusulong ng aktibong pamumuhay.
May tatlong kategorya ang takbuhan: 3K, 5K, at 10K, kung saan ang 10K ay isang competitive run. Magkakaloob ng mga parangal para sa Top 3 finishers sa 10K category para sa lalaki at babae. Mayroon ding awards para sa individual finishers sa 3K at 5K categories kabilang ang male, female, at LGBTQ participants. Itatampok din ang Most Colored Group sa 5K category, gayundin ang espesyal na pagkilala sa pinakabatang at pinakamatandang finisher.
Bukod sa mga tropeo at pagkilala, maghahandog din ng raffle prizes, pati na rin ng libreng snacks at inumin para sa mga kalahok matapos ang takbuhan.
Maaaring magparehistro sa MIS Office sa Old City Hall at sa Magic Mall Annex mula Lunes hanggang Biyernes, alas-9:00 ng umaga hanggang alas-5:00 ng hapon.
Layunin ng aktibidad na palakasin ang diwa ng pagkakaisa, kalusugan, at makulay na pakikilahok ng komunidad bilang bahagi ng pagdiriwang ng kasaysayan ng lungsod. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










