Sa kabila ng malakas na ulan at pananatili ng mga pamilya sa evacuation center, nanaig ang kasiyahan para sa mga kabataan matapos isagawa ang isang child-friendly coloring activity na bahagi ng Child-Friendly Space initiative sa Dagupan City.
Pinangunahan ang makabuluhang aktibidad ng mga Social Worker, SPED Teacher, at Police Officer na nagsanib-puwersa upang matiyak na kahit nasa gitna ng krisis, nararanasan pa rin ng mga bata ang kaligtasan, saya, at emosyonal na suporta.
Sa loob ng Astrodome, dinig ang tawanan at excitement habang abala ang mga bata sa pagkulay—isang simpleng gawain ngunit may malaking ambag sa kanilang psychosocial well-being. Layunin nitong bawasan ang takot, stress, at pagkabagot habang pansamantalang nananatili sa evacuation center ang kanilang mga pamilya.
Tiniyak ng mga facilitator na may sapat na espasyo, gabay, at proteksiyon upang maging ligtas at komportable ang mga bata habang isinasagawa ang aktibidad.
Ayon sa pamunuan, magpapatuloy pa ang mga ganitong programa upang matulungan ang mga batang evacuee na manatiling matatag, masaya, at positibo—one color at a time.









