Nasa 80% nang handa ang Commission on Elections (COMELEC) para sa pagdaraos ng Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa December 5, 2022.
Ito ang inihayag ni COMELEC Spokesperson John Rex Laudiangco sa gitna ng hinihintay na paglagda o maaaring pag-veto ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., sa panukalang pagpapaliban sa BSKE at sa halip ay idaos na lamang sa October 2023.
Ayon kay Laudiangco, batid ng COMELEC na nasa kamay na ng pangulo ang naturang panukala na aprubado na ng Mataas at Mababang Kapulungan ng Kongreso.
Lahat aniya ng procurement o yung pagbili ng gamit mula sa ballot papers, indelible ink, ballpens at ballot secrecy folder ay ide-deliver na sa mga darating na linggo.
Pagdating naman sa printing, sinabi ni Laudiangco ay sinimulan na ito ng National Printing Office (NPO) at ito ay 24 oras na tuloy-tuloy.