Aapela ang Commission on Election (COMELEC) sa Korte Suprema kaugnay sa desisyon nito na pagsabayin ang National Midterm Election at ang Barangay at Sangguniang Kabataan Election (BSKE) sa 2025.
Ayon kay COMELEC Chairman George Erwin Garcia, maghahain sila ng motion for reconsideration sa desisyon ng Supreme Court patungkol sa unconstitutionality nang na-postpone na BSKE noong nakaraang taon at ang kautusan na ituloy ngayong Oktubre 2023 ang naudlot na halalan.
Sa naturang desisyon, inutos din ng SC na magsagawa ng BSKE sa 2025, na ayon kay Garcia ay mapapasabay sa midterm national elections, at magiging dalawa ang halalan sa nabanggit na petsa.
Ngunit nilinaw ni Garcia na hindi ang naturang desisyon ng korte ang kanilang iaapela kundi ang magiging implikasyon nito.
Dalawang issue lamang aniya ang magiging laman ng kanilang mosyon, una ay ang dalawang taon lang na termino ng mga mananalong kandidato sa BSKE.
Alinsunod aniya sa batas, ay may tatlong taong termino ang mga opisyal ng barangay at SK.
Kung susundin aniya ang batas na tatlong taon ang termino ng mananalong barangay official, dapat ay sa 2026 pa magaganap ang susunod na BSKE.