Manila, Philippines – Nakatakdang magpulong ang Philippine National Police at Armed Forces of the Philippines at Commission on Elections upang paigtingin ang pagbabantay sa seguridad sa mga lugar na kasama sa ikalawang round ng plebisito ng Bangsamoro Organic Law sa darating na February 6 (Miyerkules).
Kasunod na rin ito ng nangyaring pagsabog sa Jolo, Sulu, kung saan 21 na ang naitalang nasawi habang mahigit sa 100 naman ang nasugatan.
Sabi ni COMELEC Spokesman James Jimenez, tuloy pa rin ang plebisito para sa inclusion sa Bangsamoro Autonomous Region of Muslim Mindanao ng mga lugar sa Lanao del Norte at anim na bayan sa North Cotabato.
Katwiran pa ni Jimenez, malayo naman kasi ang mga ito sa Sulu.
Pero tiniyak naman ni Jimenez na hindi sila magpapaka-kampante dahil wala namang pinipiling lugar at oras ang mga terorista na magsagawa ng karumal-dumal na krimen.