Wala pang natatanggap na kopya ang Commission on Elections (Comelec) kaugnay sa desisyon ng Korte Suprema na nagpapatibay sa kanselasyon ng poll body sa registration ng An Waray Party-list.
Ayon kay Comelec Chairman George Erwin Garcia, hindi pa nila natatanggap ang kopya ngayon pero agad silang aaksyon sakaling makarating na sa kanila ang desisyon.
Matapos ang inilabas na desisyon ng SC, ipinanawagan ng Akbayan sa Comelec na ideklara sila bilang nagwagi sa 2022 elections.
Paliwanag ng grupo, dahil sa ruling ng Supreme Court ay bakante na ang isang slot sa kongreso.
Nararapat lamang daw na iproklama ang kanilang grupo na nanalo para makaupo sa pwesto.
Pinagtibay ng Korte Suprema ang desisyon ng Comelec noong 2019 na kanselahin ang registration ng An Waray matapos manumpa ang second nominee nila noong 2013 kahit isa lamang ang napanalunan.
Sabi pa ng grupo, wala nang hadlang upang maiproklama ng Comelec ang grupo na kinulang ng nasa 2,000 boto noong 2022 elections para makuha ang huling pwesto sa Kongreso.