Tiniyak ng Commission on Elections (COMELEC) na tuloy ang paghahanda nila para naman sa pagdaraos ng Barangay at SK elections sa Disyembre.
Ito ay sa kabila ng mga panukalang ipagpaliban muli ang nasabing halalan upang makatipid sa gastos at sa halip ay magamit na lamang ang pondo sa pagtugon sa COVID-19 pandemic.
Ayon kay COMELEC Commissioner George Garcia, bahagi ng demokrasya ng bansa na maghalal ng mga bagong opisyal ng barangay at Sangguniang Kabataan pero handa naman silang sumunod kung ipag-uutos ng Kongreso ang pagpapaliban sa eleksyon.
“Ito pong eleksyon, ito po ay manual ha, hindi po ito computerized. Alam niyo po ang budget dyan ay 8.6 billion [pesos]. Isipin niyo po yung matitipid natin kung saka-sakali kung hindi tayo magkaroon ng eleksyon,” ani Garcia.
“Kaya lang, syempre part po ng demokrasya. Kami po sa COMELEC, kung ano yung ipag-utos lang sa’tin ng Kongreso lalo kung magkakaroon ng batas postponing the election e susundin po naming. Kaya nga lang po, maghahanda rin kami dahil napakahirap i-assume na ipo-postpone ang election baka po magkatuluyan tapos hindi kami handa ‘ni walang napi-print na kahit na anong balota. Magsisimula man lang [tayo] sa pagpaparehistro ng mga botante natin,” dagdag niya.
Sa Hulyo ay muling bubuksan ang COMELEC ang voter registration.
Samantala, nilinaw rin ni Garcia na hindi pa hawak ng COMELEC ang pondo para sa paglulunsad ng Barangay at SK elections.
Aniya, ibibigay lamang ng Department of Budget and Management sa COMELEC ang pondo kapag nagpasa na sila ng resolusyon para sa gagawing paghahanda sa eleksyon.