
All set na ang Commission on Elections (COMELEC) para sa isasagawang 10 araw na voter registration simula August 1 bilang paghahanda sa nalalapit na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) ngayong taon.
Ayon sa poll body, bukas ang mga registration site mula alas-8 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon.
Magkakaroon din ng Special Register Anywhere program sa National Capital Region at mga piling lugar sa Region 3 at Region 4-A mula August 1 hanggang 7.
Tatanggapin rin ang ilang aplikasyon gaya ng:
• reactivation
• pagpapalit ng pangalan at status
• correction of entries
• pagbabalik ng pangalan sa listahan ng botante
• paglilipat mula overseas bilang local voter at iba pa
Hinimok ni COMELEC Chairman Atty. George Erwin Garcia ang publiko na samantalahin ang mga araw ng pagpaparehistro para makaboto sa darating na BSK elections.
Tiniyak din ng poll body na may priority lane para sa senior citizens, may mga kapansanan, at mga buntis.
Nasa isang milyong bagong botante ang target ng COMELEC sa muling pagbubukas ng voter registration simula sa Biyernes.









