Aminado ang Commission on Elections na malabo nang maipatupad ang hybrid election system para sa 2022 presidential elections.
Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni COMELEC Spokesman James Jimenez na kahit maisabatas ang Senate Bill No. 1950 o ang proposed Hybrid Election Act, ay hindi na nilang kayang maipatupad ito.
Binigyan diin ni Jimenez na kulang na oras ng COMELEC at nagsimula na rin sila ng preparasyon para sa automated elections.
Noong Lunes, inindorso na ni Senate Electoral Reforms Committee Chair. Imee Marcos ang panukalang batas para aprubahan sa plenaryo.
Sa ilalim nito, magkakaroon ng mano-manong pagbibilang ng mga boto sa mga presinto at ito ay maaaring saksihan ng publiko at i-record sa video ang pagbibilang.
Samantala, aminado rin ang poll body na dahil sa pandemya ay apektado ang kanilang paghahanda para sa 2022 presidential elections.
Ayon kay Jimenez, partikular na apektado nito ang voters registration kung saan nasa mahigit 809,000 pa lang ang nagpaparehistro nationwide, simula nang buksan ito noong Setyembre.
Bunsod nito, plano ng COMELEC na umpisahan na rin ang satellite registration sa 2021.