Comelec, aminadong malaking hamon ang pamamahagi ng VIS sa buong bansa

Sinimulan na ng Commission on Elections (Comelec) ang pamamahagi ng voter’s information sheet o ang papel na naglalaman ng mahahalagang impormasyon ng isang rehistradong botante.

Ang voter’s information sheet o VIS, para sa eleksyon ngayong taon, ay binubuo ng apat na pahina kung saan sa unang pahina ay makikita ang pangalan, address, precinct number at voting center ng botante.

Sa ikalawang pahina ay matatagpuan ang mga paalala at paraan ng tamang pagboto.

Ang ikatlo at huling pahina ay nakalaan sa mga listahan ng mga kandidato pagpipilian ng mga botante.

Nais matiyak ng Comelec na makararating sa mismong mga botante ang kanilang mga VIS.

Kaya naman ang pamamaraan ng pamamahagi nito ay sa pamamagitan ng house to house o personal na distribution galing sa mga tauhan ng Comelec.

Sinimulan ito ng commissioners ng Comelec dahil sila mismo ang nag-distribute ng VIS para sa ilang mga botante na nakatira sa Barangay 70 sa lungsod ng Pasay.

Sinabi ng Comelec na mas mahal ang gagastusin kung ipapadala ang mga VIS sa pamamagitan ng courier o registered mail at sa dami nito ay baka hindi rin daw ito kakayanin ng local at national postal system.

Kaya kumuha ang Comelec ng libong mga dagdag tauhan upang tutukan ang pamamahagi ng VIS sa mga botante sa buong bansa.

Aminado ang Comelec na isa itong malaking hamon sa kanila.

Target ng Comelec na maipamahagi ang VIS nang nasa higit 68 milyong botante sa buong bansa, bago matapos ang Abril.

Facebook Comments