Kasama pa rin sa listahan ng mga boboto sa Lunes ang pangalan ng mga indibidwal na sumakabilang buhay na.
Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni Commission on Elections (COMELEC) Commissioner Atty. Erwin George Garcia na may proseso kasing sinusunod ang komisyon alinsunod sa batas para sa tamang pagtatanggal sa listahan ng mga taong namatay na.
Base aniya sa proseso, kinakailangan munang magsumite sa COMELEC ang civil registrar ng lugar kung saan residente ang isang botante ng certification na nagsasabing namatay na ito.
Paliwanag pa ni Garcia, ginagawa ito quarterly ng civil registry kung saan doon pa lamang tatanggalin ng poll body sa listahan ng voters list ang pangalan ng namatay na indibidwal.
Ani Garcia, hangga’t wala silang natatanggap na certification, hindi nila maaaring tanggalin sa listahan ang pangalan ng namayapang botante.
Kaugnay nito, umapela si Garcia sa susunod na kongreso na sana ay maayos ang loophole o butas na ito ng batas.
Ito kasi ang madalas na reklamo tuwing halalan kung saan nakakaboto pa miski ang patay na.