Nagkasundo na ang Commission on Elections at ang Facebook Philippines para sa pagpapatupad ng “no political campaign policy” sa Huwebes at Biyernes Santo, April 18 at April 19.
Sinabi ni Comelec Spokesman Director James Jimenez na may nabuo nang sistema para mas mapabilis ang action kontra sa mga political ads sa Facebook.
Napagkasunduan ng Comelec at Facebook Philippines na kapag ang Fb post ay naglalaman ng pangangampanya para iboto ang kandidato ay agad itong aalisin sa sirkulasyon ng Facebook sa dalawang araw.
Gayunman, maaari aniyang makalusot dito ang kandidato kapag palabasin na news item ang Fb post.
Bunga nito, nanawagan ang poll body sa netizens na magreport sa Comelec o kaya sa Facebook kapag may nakitang political ads sa Huwebes at Biyernes Santo para agad itong maalis.
Maging sa bisperas ng halalan sa Mayo a dose ay ganitong sistema rin ang paiiralin ng Comelec.