
Inatasan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga ahensyang pangseguridad ng gobyerno at ang Commission on Elections na maglatag ng mga bagong patakaran at estratehiya para matiyak ang mapayapa at maayos na pagdaraos ng kauna-unahang parliamentary elections sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao sa darating na Oktubre 13, 2025.
Sa isang press conference kamakailan sa Cotabato City ay iginiit ni Moro Islamic Liberation Front Chairman Al-Hadj Ahod “Murad” Ebrahim na mahalagang matuloy ang halalan upang maitatag ang regular na pamahalaang parliamentaryo sa rehiyon.
“Kailangan natin ng regular na pamahalaan. Mahirap ang naging transition,” ayon kay Ebrahim.
“Kapag mayroon tayong regular na gobyerno, mas magiging epektibo ang pagpapatupad ng mga programa para sa karapatan at kaunlaran ng mga Bangsamoro na siyang core mission ng Marcos administration para sa Bangsamoro na pinagagabayan nito sa Special Assistant to the President.”
Hinikayat din ni Ebrahim ang COMELEC na unahin ang pagpapatupad ng mga bagong patakaran upang matiyak ang ligtas na halalan.
Ayon kay COMELEC-BARMM Regional Director Ray Sumalipao, kasalukuyang isinasagawa ang mga paghahanda, kabilang na ang pagbabalangkas ng mga bagong polisiya base sa mga isyung naranasan noong nakaraang lokal na halalan.
Dahil tanging BARMM lang ang boboto sa Oktubre, makakahiram sila ng karagdagang puwersa mula sa Regions 9, 11, 12 at CARAGA upang palakasin ang seguridad.
“Sapat ang ating security forces para tiyakin ang kapayapaan. Babala ito sa sinumang may balak manggulo. Agad naming matutukoy at mahuhuli ang mga lalabag,” ayon kay Sumalipao.
Dagdag pa niya, gagamit din sila ng mga CCTV camera para bantayan ang mga lugar ng botohan at maiwasan ang pandaraya o kaguluhan.
Binanggit din ni Sumalipao ang ilang problema noong nakaraang halalan tulad ng:
• Hindi pagtalima ng ilang kandidato sa peace covenant
• Biglaang pag-atras ng mga guro bilang Board of Election Inspectors (BEIs)
Ito raw ay isinasaalang-alang na ngayon sa kanilang plano.
Ang halalan ay automated, at may tuloy-tuloy na koordinasyon sa tanggapan ni COMELEC Chairman George Garcia sa Maynila upang masigurong maayos ang sistema.
Samantala, nagpahayag ng buong suporta si BARMM Chief Minister Abdulraof Macacua sa COMELEC at tiniyak ang tulong ng regional government sa lahat ng bahagi ng paghahanda.
Ang Oktubre 13 na halalan ay isang makasaysayang yugto para sa BARMM dahil ito ang unang pagkakataong magkakaroon ng regular na parliamentaryong pamahalaan mula nang mabuo ang rehiyon.









