Nagpahayag ng suporta ang Commission on Elections (COMELEC) at ang Philippine National Police (PNP) – Region 7 na ipagpaliban ang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa lalawigan ng Negros Oriental.
Kaugnay na rin ito sa naging mosyon ni Senator Francis Tolentino na suspendihin muna ang barangay halalan sa lalawigan dahil posibleng magdulot ito ng dagdag na kaguluhan sa lugar matapos ang karumal-dumal na pagpaslang kay Negros Oriental Gov. Roel Degamo.
Sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Committee on Public Order and Dangerous Drugs, sinabi ni Comelec Chairman George Erwin Garcia na posibleng ipagpaliban ang halalan sa Negros Oriental ng isa hanggang tatlong buwan.
Pero, problema aniya nila sa komisyon kung pasok ang karahasan sa pagpaslang kay Governor Degamo sa grounds para masabing dapat na i-postpone ang barangay at SK elections sa Oktubre dahil walang malinaw na nakasaad sa batas at hindi malayong mag-iba iba ang interpretasyon dito.
Sa ilalim kasi ng Omnibus Election Code, maaaring suspendihin ng Comelec ang halalan sa loob ng 30 araw kung may seryosong kaso ng karahasan, terorismo, pagkasira ng election paraphernalia o records, at force majeure habang ang Republic Act 6679 ay maaari nilang ipagpaliban ang eleksyon ng hanggang 90 araw kung may rebelyon o terorismo.
Dagdag pa rito ay kailangan din munang magpasa ng batas para sa holdover capacity ng mga kasalukuyang barangay officials na maaapektuhan ng election postponement.
Samantala, sa bahagi naman ng PNP, sinabi ni PNP-Region 7 Regional Director B.Gen. Anthony Aberin na suportado nila ang hakbang sa pagpapaliban ng eleksyon sa Negros Oriental para mawala ang agam-agam ng komunidad at makapag-concentrate ang mga law enforcers sa pagtiyak ng kapayapaan at seguridad sa halalan sa ibang lugar.