COMELEC, balak i-streamline ang proseso sa pagkuha ng gun ban exemption

Batid ng Commission on Elections (COMELEC) na mayroong kabagalan ang pag-aksyon ng kanilang hanay sa mga aplikasyon para sa gun ban exemption.

Sa Laging Handa press briefing sinabi ni COMELEC Commissioner George Garcia na ito ang dahilan kung bakit ri-reviewhin ng En Banc bukas ang mga umiiral na guidelines kaugnay sa pagbibigay ng exemption sa gun ban.

Ayon kay Garcia, hindi dapat nahihirapan kumuha ng exemption ang mga indibidwal na mayroong banta sa seguridad dahil sa nature ng kanilang trabaho.


Halimbawa na lamang aniya ang mga kawani sa Hudikatura, public servant, security personnel, mga negosyante, at iba pa.

Giit pa nito, padadaliin ng pamahalaan ang sistema at plano rin nilang i-decentralize ang proseso nito patungo sa kanilang mga regional offices.

Sa oras na maipasa ang resolusyon para dito, hindi rin kakailanganin pang tumungo sa Maynila ng mga aplikante, para mag-apply at mag-follow up dahil maaari na itong gawin sa regional offices ng COMELEC.

Facebook Comments