Binalaan ng Commission on Elections (COMELEC) ang mga electronic wallet operators na maaari silang madamay sa kasong vote buying.
Ito’y kung hahayaan nila ang mga kandidato sa Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) na gamitin ang kanilang apps para makabili ng boto.
Ayon kay COMELEC Chairman George Garcia, nakipag-ugnayan na sila sa mga e-wallet operators’ para ipaalala ang mga guidelines hinggil sa digital vote buying.
Inabisuhan rin ni Garcia ang mga ito na i-monitor ang mga may mataas na transaksyon lalo na sa araw ng halalan.
Bukod dito, pinayuhan ang mga e-wallet operators na obserbahan rin ang isang indibidwal kung nagagawa nitong magpadala ng pera sa 50 hanggang 200 tao sa isang araw.
Sa kabila nito, suportado naman ng mga kumpaniya maging ng mga bangko ang mga hakbang ng COMELEC upang matigil na ang ginagawang vote buying.
Kaugnay nito, plano ng COMELEC na pumirma sa isang kasunduan kasama ang mga kumpaniya ng e-wallet habang nakipag-ugnayan na sila sa Anti-Money Laundering Council at Bangko Sentral ng Pilipinas para mamonitor ang malakihang transaksyon sa pagpapadala ng pera via online.