Binigyan diin ng Commission on Elections (Comelec) na bawal ang paglalagay ng campaign materials sa mga pasilidad ng Light Rail Transit (LRT).
Ito ang reaksyon ng poll body kasunod ng report na nakadikit ang posters ng isang senatorial candidate sa LRT.
Ayon kay Comelec Spokesman James Jimenez, bawal ang anumang campaign materials sa mga imprastrakturang pagmamay-ari ng gobyerno.
Mismong si Pangulong Rodrigo Duterte na anya ang nagsabi na bawal gamitin ang mga pagmamay-ari ng gobyerno sa election propaganda.
Tiniyak ni Jimenez na makikipag-ugnayan sila sa Department of Transportation (DOTr) tungkol sa isyu ng campaign posters.
Matatandaang noong bago magsimula ang campaign period, binawalan ni Duterte ang mga miyembro ng gabinete sa pag-endorso sa mga kandidato sa May 13 elections.