Manila, Philippines – Binigyan ng limang araw ng Commission on Elections ang mga grupong gustong magsumite ng position paper o pagtutol sa nakatakdang Barangay at Sangguniang Kabataan elections na idaraos sa bwan ng Oktubre sa Mindanao.
Ayon kay COMELEC Spokesperson James Jimenez, nakapagsumite na ng kanilang position paper ang Philippine National Police na tutol sa pagsasagawa ng eleksyon.
Sinabi ni Jimenez na iminumungkahi ng PNP na ipagpaliban muna ang eleksyon sa Mindanao dahil sa nagpapatuloy na bakbakan sa lugar sa pagitan ng tropa ng pamahalaan at teroristang grupo sa Marawi City.
Paliwanag ni Jimenez na makaraan ang limang araw ay posible na nila itong madesisyunan sa susunod nilang en banc.
Kung sakaling matugunan ang problema sa lugar sa loob ng tatlumpung araw at naging maayos na ang sitwasyon dito ay maaari nang ituloy ang eleksyon.
Ito ay alinsunod na rin sa kapangyarihan ng COMELEC na magpaliban ng eleksyon saan mang lokal na pamahalaan na nakararanas ng karahasan, terorismo at iba pang kaugnay na dahilan na nasa ilalim ng Section 5 ng Omnibus Election Code.