COMELEC budget, dapat dagdagan para hindi maging COVID-19 super spreader ang 2022 Elections

Iginiit ni Senator Risa Hontiveros na madagdagan ang budget ng Commission on Elections o COMELEC para sa 2022 Presidential Election.

Katwiran ni Hontiveros, hindi natin alam kung kailan magkakabakuna, kaya health concern din ang budget ng COMELEC para matiyak na hindi magiging super spreader ng COVID-19 infections ang 2022 elections.

Ayon kay Hontiveros, ang panukalang dagdag na budget ng COMELEC, ay para sa karagdagang vote counting machines para mabawasan ang bilang ng mga botante per cluster precinct sa layuning mahigpit na maipatupad ang social distancing.


Dagdag ni Hontiveros, gagamitin din ito sa transition ng COMELEC tungo sa online registration ng mga botante sa January 2021 hanggang September 2021.

Sa budget hearing sa Senado, sinabi ni COMELEC Chairman Sheriff Abas na mapipilitan sila na na i-refurbish o gamitin na lang ang mga voting machines na ginamit noong 2016 at 2019 elections.

Binanggit ni Abas na ito ay dahil sa P30 billion na hinihinging nilang 2021 budget ay P14.5 billion lang ang inilaan ng Department of Budget and Management.

Paliwanag ni Abas, bukod sa pagbili ng bagong makina ay apekado rin sa pagtapyas ng budget ng COMELEC ang P776 million para sa pagbili ng supplies and materials, transmission services na nasa P1.2 billion printing preparations na P1.3 billion at deployment budget na 1.6 billion pesos.

Facebook Comments