Nagtungo ang mga opisyal ng Commission on Elections (COMELEC) sa bayan ng Bamban, Tarlac upang suriin ang nga dokumento ni suspended Mayor Alice Guo na ginamit noong 2022 elections.
Ayon kay Comelec Chairman George Garcia, ito ay upang matapos na ang kanilang imbestigasyon sa kontrobersiyal na alkalde at sa kung nararapat ito sa posisyon bilang public servant.
Katuwang ng Comelec ang kanilang local election officers kung saan tiningnan ang fingerprint na ipinasa ni Guo nang magsumite ng Certificate of Candidacy (COC) para sa pagtakbo bilang alkalde.
Gagamitin aniya ito para ikumpara sa kopya ng fingerprint ni Guo Hua Ping na ibinigay sa Comelec ng National Bureau of Investigation (NBI).
Sinabi ni Garcia na ang naturang fingerprint din ang ginamit ng Office of the Solicitor General (OSG) sa paghahain ng quo warranto petition laban sa alkalde.
Una nang nagtugma ang fingerprint ng alkalde sa Chinese passport holder batay sa resulta ng imbestigasyon ng NBI.