Bumuo ang Commission on Elections (Comelec) ng task force para siyasatin ang malaking dagdag sa registered voters sa lungsod ng Makati gayong sampung barangay ang inalis sa siyudad na ngayon ay nasa ilalim na ng lungsod ng Taguig.
Batay sa datos ng Comelec, aabot sa 56,586 ang bilang ng mga botante na lumipat, nagpa-reactivate at mga bagong rehistro sa Makati para sa 2025 elections.
Kinwestyon ni Senator Nancy Binay kung may ginawang hakbang ba ang komisyon para matiyak na malinis ang voters list para sa 2025 elections.
Paliwanag ni Senator Imee Marcos na siyang sponsor ng Comelec budget sa 2025, kailangan muna ng court order bago magtanggal ng pangalan ng mga botante ang Comelec mula sa listahan.
Pinare-review naman sa binuong task force kung dapat pa bang payagan ang barangay certification para gawing “proof of identity” ng isang botante.
Inirekomenda ng Comelec ng bagong batas para hindi na payagan ang paggamit ng barangay certificate na inisyu ng mga punong barangay na magamit sa voters registration dahil may bahid politika ang pag-iisyu nito.