COMELEC CAUAYAN, NAGPAALALA SA MGA MAGPAPAGAWA NG CAMPAIGN MATERIALS

Cauayan City, Isabela- Nagpaalala si Commission on Elections (COMELEC) Cauayan Officer Atty. Jerbee Anthony Cortez sa mga kumakandidato at aspirants na magpapagawa ng mga campaign materials.

Sa ating naging panayam kay COMELEC Officer Jerbee Cortez, para hindi aniya masayang ang mga ikakabit o ilalagay na campaign materials sa mga common poster areas ay kailangang sumunod sa size na ipinatutupad ng COMELEC na hindi dapat lalagpas sa 2×3 feet.

Sayang din aniya ang perang gagastusin sa pagpapagawa ng campaign materials kung hindi susunod sa mga guidelines ng Comelec.

Sa unang araw kasi ng kanilang operation baklas nitong Miyerkules dito sa Lungsod ng Cauayan ay marami ang kanilang mga inalis na campaign materials dahil nakalagay ang mga ito sa mga ipinagbabawal na lugar at wala rin sa tamang sukat.

Bahagyang nahirapan ang kanilang grupo sa pagsasagawa ng operation Baklas dahil ilan sa mga tinanggal ay kailangan pa nilang akyatin tulad ng mga nakakabit sa poste at puno.

Ayon pa kay Cortez, natanggal na rin nila yung mga malalaking campaign materials na inilagay at itinayo sa mga gilid ng National highway at doon naman sa mga nakitang oversized at nakalagay sa pribadong lugar ay kinausap nalang ang mga may-ari na tanggalin ang mga ito na kung saan ay tumalima naman ang mga napagsabihan.

Ipinasakamay na sa PNP Cauayan at DPWH ang mga binaklas na campaign materials ng mga kumakandidato sa national positions para sa seguridad at ito ay gagamiting ebidensya ng Comelec kung sakaling may magreklamo.

Samantala, isasagawa muli ang second wave ng Operation Baklas sa darating na buwan ng Abril kung saan ay panahon na rin ng pangangampanya ng mga local candidates.

Facebook Comments