Pormal nang hiniling ni Commission on Elections Chairman George Erwin Garcia sa Anti-Money Laundering Council (AMLC) na magsagawa ng malalimang imbestigasyon sa mga alegasyon na tumanggap siya ng suhol mula sa Korean firm.
Ito ay matapos sabihin ng isang kongresista kahapon na marami umanong bank account ang Comelec chairman sa iba’t ibang bansa.
Bilang tugon, naglabas ng Waiver of Secrecy of Bank Deposits at Affidavit of Denial si Garcia para bigyang pahintulot ang AMLC na buksan ang kaniyang bank accounts at magsagawa ng imbestigasyon.
Kasunod nito, hiniling din ni Garcia sa National Bureau of Investigation na imbestigahan ang pinagmulan ng mga akusasyon lalo na’t may epekto ito sa integridad ng Comelec at ng electoral process.
Sabi ni Garcia, mahalaga na malaman agad ang katotohanan para hindi masira ang tiwala ng publiko sa sistema ng pagboto.
Una nang sinabi ng Comelec Chair na wala siyang anumang foreign bank accounts at wala ring property sa ibang bansa.