Wednesday, February 25, 2026

Comelec Chairman Garcia, itinanggi ang akusasyong tumanggap umano ng pera mula kay Zaldy Co

Mariing itinanggi ni George Erwin Garcia, chairman ng Commission on Elections (Comelec), ang pagkakadawit ng kanyang pangalan sa alegasyong may ilang opisyal ng pamahalaan na tumanggap umano ng pera mula kay Zaldy Co.

Matatandaang kahapon ay lumutang ang pangalan ni Garcia sa isinagawang press conference ng mga nagpakilalang 18 dating miyembro ng Philippine Marine Corps, na nagsabing nagdala umano sila ng mga maleta na naglalaman ng milyon-milyong piso para sa iba’t ibang opisyal ng pamahalaan.

Ayon kay Garcia, malinaw sa pahayag ng mga nagpakilalang dating sundalo na wala silang maibigay na detalye kung kailan umano naganap ang sinasabing pagbibigay ng pera.

Aniya, dapat ay nakalahad sa anumang akusasyon ang eksaktong panahon o oras kung kailan nangyari ang insidente.

Para kay Garcia, walang maibigay na detalye ang mga ito dahil walang naganap na bigayan ng pera at hindi totoo ang kanilang paratang.

Dahil dito, pinag-iisipan na rin niyang magsampa ng reklamo laban sa 18 nagpakilalang miyembro ng Philippine Marines, ngunit aminado siyang naaawa siya sa mga ito dahil naniniwala siyang nagagamit lamang sila ng ilang indibidwal na may pansariling agenda o interes.

Facebook Comments