COMELEC Commissioner Aimee Ferolino Ampoloquio, bigo pa ring makalusot sa Commission on Appointments

Bigo pa ring makalusot sa Commission on Appointments o CA ang bagong talagang Commission on Elections o COMELEC Commissioner Aimee Ferolino Ampoloquio.

Sa muling pagsalang sa CA, ay ginisa si Ampoloquio ni Minority Leader Franklin Drilon ukol sa mababang bilang ng nagparehistro para makaboto sa 2022 elections gayong anim na buwan na lang bago ang deadline nito sa September 30.

Pero naguluhan si Drilon sa pabago-bagong datos na ibinigay ni Ampoloquio at sa umano’y tila pag-iwas sa mga tanong.


Dahil dito ay nagdalawang-isip si Drilon na bomoto pabor sa appointment ni Ampoloquio at pinayuhan na itong maghanda sa susunod na pagharap sa CA.

7.2 milyong bagong botante ang target maparehistro ng COMELEC, pero dismayado si Drilon dahil nasa 1.7 million pa lang nito ang nakakapagparehistro.

Punto ni Drilon, malabong maparehistro ang lahat ng ito kung pagbabasehan ang sinabi ni Ampoloquio na 1,000 lamang ang nairerehistro ng COMELEC kada araw na aabot lang sa 180,000 na botante sa susunod na anim na buwan.

Facebook Comments