Nananawagan si Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año sa Commission on Elections (COMELEC) na gumawa ng mga alituntunin ukol sa mga aktibidad ng mga kakandidato bago magsimula ang campaign period sa Pebrero 2022.
Ito ay matapos magkaroon ng mabigat na daloy ng trapiko ang ginawang caravan ng BBM-Sara Uniteam sa Quezon City.
Maliban dito ay hindi rin naipatupad ang physical distancing dahil hindi nakipag-coordinate ang mga organizer ng nasabing caravan sa Quezon City government.
Ayon kay Año, dapat tukuyin ng COMELEC kung ano ang mga pinapayagan at hindi pinapayagang aktibidad bago magsimula ang campaign period.
Dagdag pa nito na pag-uusapan ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) ang nasabing isyu upang hindi na maulit ang kaparehong “super spreader” event.
Samantala, nauna nang humingi ng paumanhin ang kampo ni dating Senador Bongbong Marcos hinggil sa naturang insidente.