Dapat makita ng Commission on Elections (Comelec) ang “donated by” na tatak sa mga ipamimigay ng mga kandidato sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).
Ayon kay Comelec Chairman George Erwin Garcia, ito ay dahil nasa limang piso lamang ang nakasaad sa batas na pwedeng gastusin ng isang kandidato sa bawat botante nito.
Lalo na aniya kung ang mga ipamimigay sa botante ay hindi galing sa sariling bulsa ay importanteng nakikita kung sinong grupo o personalidad ang nag-donate nito.
Gayunpaman, nilinaw ng Comelec na hindi porket may markang “donated by” ang isang item ay lusot na agad ito dahil kinakailangan ilagay ng kandidato sa kanilang statement of contributions and expenditures (SOCE) ang grupo o tao na nagbigay ng nasabing donasyon.
Sa oras aniya na makita at mapatunayan ng poll body na lumabag ang sinoman sa naturang alituntunin ay posible itong makasuhan o matanggal sa pwesto kung manalo man sa halalan.