Dumepensa ang Commission on Elections (COMELEC) matapos na upakan ng Grupong Kontra Daya ang mabilis na pag-apruba ng poll body sa nominasyon ni dating Commissioner Rowena Guanzon bilang substitute sa mga naunang nominees ng P3PWD Party-list.
Ayon kay COMELEC Spokesman Atty. Rex Laudiangco, dumaan sa masusing evaluation ng Law Department ang rekomendasyon at authentication ng mga dokumentong inihain ng party-list.
Dumaan din aniya ito sa deliberasyon ng COMELEC En Banc.
Nilinaw rin ni Laudiangco na ginagarantiyahan ito ng Party-list Act at naging consistent naman aniya ang COMELEC sa mga katulad na desisyon.
Una nang inaprubahan ng komisyon ang sabay-sabay na pagbibitiw ng limang nominado ng P3PWD Party-list
Inaprubahan din ng COMELEC ang substitution ni Guanzon at apat na iba pa at dahil isang pwesto lamang ang nakuha sa Kongreso ng nasabing party-list, si Guanzon lamang ang makakaupo sa Kamara.