Nagkasundo ang lahat ng Commission on Elections (COMELEC) Commissioners na aaprubahan nila sa kanilang En Banc meeting ang kasunduan na pinasok ng komisyon sa Philippine Association of Civil Registrar National Directorate para sa Monthly Certified List ng mga botante na namatay.
Layunin nito na maging updated ang record ng COMELEC na alisin sa voters list ang mga pangalan ng mga namatay.
Sinabi ni COMELEC Chairman George Erwin Garcia, magbibigay ang mga city at municipal registrar sa City at Municipal Election Office ng mga listahan ng mga namatay kada buwan.
Paliwanag pa ni Garcia na nais ng COMELEC na maging updated ang lahat ng voters list sa buong bansa upang maiwasan na magamit ang mga pangalan ng mga namatay tuwing eleksyon.
Dagdag pa ni Garcia na bilang kapalit, magbabayad ang COMELEC sa mga City at Municipal Civil Registrar ng P5 bawat page ng certified list ng listahan ng mga yumao.