
Nilinaw ni Commission on Elections (Comelec) Chairman George Erwin Garcia na tuloy pa rin ang ilang mga aktibidad hinggil sa kauna-unahang BARMM elections.
Sa Kapihan sa Manila Bay, sinabi ni Chairman Garcia na hanggang sa ngayon ay hinihintay pa nila ang desisyon ng Supreme Court kung ili-lift na Temporary Restraining Order o TRO para sa pagpapatupad ng eleksyon.
Paliwanag ng opisyal, ang mga ginagawang paghahanda ng Comelec tulad ng pagte-training ng mga guro, technical staff at PNP personnel ang pansamantalang itinigil dahil sa TRO.
Pero ang mga hakbang ng mga kandidato sa panahon ng campaign period tulad ng pagbahay-bahay at pangangampanya ay tuloy pa rin.
Umaasa ang Comelec na makakapag-desisyon na ang Korte Suprema lalo na’t maraming mga residente ng BARMM ang nag-aabang na matuloy ito.
Subalit kung si Garcia ang tatanungjn, pabor siya na i-postpone ang BARMM elections dahil sa kakulangan ng panahon at wala pa rin desisyon ang SC hinggil sa TRO.
Magsasagawa naman ang Comelec en banc ng pagpupulong para pag-usapan ang Bangsamoro Parliamentary Elections.









